CAUAYAN CITY – Hustisya ang hangad ng pamilya sa San Mateo, Isabela ng isang Overseas Filipino Worker (Ofw) na dinukot at pinatay ng mga hindi pa nakilalang suspek sa Lebanon.
Ang biktima ay si Jaeho Sion, 32 anyos, chef sa isang restraurant sa Lebanon at residente ng Mapuroc, San Mateo, Isabela at 10 taon nang nagtatrabaho sa nasabing bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni dating barangay kagawad Dely Sion, ina ni Jaeho na hinanap ng kanyang isa pang anak at mga pinsan si Jaeho nang hindi sumipot sa napagkasunduan nilang pagkikita noong Linggo.
Sa kanilang pagdulog sa himpilan ng pulisya ay nabanggit sa kanila na may isang Pilipino ang nasa morge ng isang ospital.
Nang magpunta sila sa ospital ay natuklasan nilang si Jaeho ang Pinoy na nasa freezer ng morge ng ospital na may benda ang ulo.
Lumabas sa imbestigasyon na si Jaeho ay inayang mag-disco ng kanyang nobyang Filipina noong gabi ng Biyernes, March 15, 2019 ngunit nang lumabas ang biktima ay may mga lalaki umanong kumuha sa kanya at isinakay sa isang kotse.
May fracture sa ulo si Jaeho na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Ang nobya ni Jaeho na nag-aya sa kanya na magdisco ay hindi na nakita kaya may hinala na posibleng may kinalaman siya sa krimen dahil umano sa selos.
Ito ay dahil bukod sa kanya ay may iba pa umanong nobya ang Ofw.
Nagpatulong na ang pamilya Sion sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Santiago City para maiuwi sa San Mateo, Isabela ang bangkay ni Jaeho.