--Ads--

CAUAYAN CITY – Bumuhos ang tulong sa isang overseas filipino worker na minaltrato ng kanyang amo sa Abu Dhabi, UAE.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Public Employment Service Office (PESO) San Mateo, kinakailangang isailalim sa operasyon si Merly Rivera,42 anyos, residente ng Salinungan West San Mateo, Isabela upang matukoy kung may pag-asa pang makakita ang isa niyang mata.

Ito ay makaraang lumabo ang isa nitong mata matapos sabuyan sa mukha ng mainit na tubig ng kanyang amo.

Inilalakad din ang schoolarship ng mga anak ng OFW at bibigyan din ng tulong ng pamahalaang lokal ng San Mateo, Isabela.

--Ads--

Nauna rito batay sa salaysay ni Merly, binuhusan ng mainit na tubig ng among arabo at Indonesian ang kanyang mata na sanhi ng kaniyang pagkabulag.

Pinukpok ng bakal na sandok ang kaniyang paa kaya hindi gaanong makalakad, nilalagyan ng henna ang mga daliri at braso para hindi makita ang mga pasa at peklat nito at may marka rin sa kaniyang noo dahil sa ini-uuntog ng amo sa pader.

Inihatid na lamang umano ng amo si Merly sa paliparan kung kaya’t nakauwi siya dito sa bansa.

Samantala kasalukuyan ang imbestigasyon ng mga kinaukulang ahensya sa nangyari kay ginang Rivera at sa tulong na rin ng mga matataas na opisyal ng lalawigan ng Isabela.