CAUAYAN CITY – Nanawagan ng tulong ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) na nakakaranas ng pang-aabuso at pagmamaltrato ng kanyang mga amo sa Riyadh, Saudi Arabia.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jerry Bern Layco, OFW sa Saudi Arabia, sinabi niya na sa pamamagitan ng mga kaanak ng nasabing OFW ay nakarating sa kaniya at sa kanilang organisasyon ang sinapit ni Betty Rose Sagun na tubong Santo Tomas, Saguday, Quirino.
Batay aniya sa pahayag ng pamilya ng OFW, pinapaso ng plantsa, binubugbog, hindi pinapakain, hindi pinapasahod at ikinukulong si Sagun ng kanyang mga amo.
Sa mga pagkakataong hindi na niya matiis ang gutom at uhaw ay kumukuha siya ng pagkain mula sa basura at napipilitan uminum ng tubig mula sa inidoro.
Sa ngayon ay nanatili si Sagun sa kanyang amo ngunit hindi na makontak dahil kinuha umano ng mga amo ang kanyang cellphone.
Ayon kay Ginoong Layco, sa huling pakikipag-ugnayan niya kay Sagun, napag-alamang patuloy siyang sinasaktan ng kaniyang mga amo sa pamamagitan ng pagtadyak at pagkurot sa maseselang bahagi ng kaniyang katawan.
Sapilitan umano siyang kinunan ng video para pabulaanan ang nararanasang pagmamaltrato sa kanya.
Nais umano ng kanyang mga amo na sabihin ni Sagun na pinaso ang kaniyang sarili gamit ang plantsa.
Bukod dito ay sapilitan din umano siyang pinapirma na may natatanggap na sahod gayong hindi siya pinapasahod.
Plano rin umano ng mga amo ni Sagun na ibenta siya sa ibang amo matapos malamang kumikilos na ang mga otoridad para masagip ang OFW at inihahanda ang pagsasampa ng kaso laban sa kanila.
Ayon kay Ginoong Layco, nais ni Sagun at kaniyang pamilya na makauwi na siya sa bansa bago pa mahuli ang lahat dahil makikita sa mga larawan ang panghihina na ng kanyang katawan.
Naiparating na sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Riyadh ang kaso ni Sagun at inaayos na ang mga dokumento para siya ay masagip mula sa kaniyang mga employer.












