CAUAYAN CITY – Nakauwi na sa bansa ang Overseas Filipino Workers (Ofw) sa Oman na tinulungan ng pamahalaan dahil sa panggigipit ng kanyang mga amo at gustong palawigin ng dalawang taon ang kanyang paninilbihan sa kanila.
Sa naging panayam ng Bombo Rado Cauayan, sinabi ni Balbin na nagtungo siya sa Oman noong 2016 at nagtapos noong Marso 2018 ang kanyang kontrata ngunit nais na palawigin ng dalawang taon.
Ang Ofw na si Maribel Balbin ng Yeban Norte Benito Soliven, Isabela ay dumating sa Kalakhang Maynila noong Abril 11, 2019 at uuwi bukas sa kanilang bahay sa Yeban Norte.
Gayunman, nagpaalam siya na umuwi na dahil pinagseselosan siya ng kanyang amo na mabait naman sa kanya noong una.
Nagsimula umano ang pagbabago ng pakikitungo sa kanya ng among babae nang magbakasyon sa United Kingdom at naiwan ang kanyang mister at kanilang anak.
Pinagbigyan niya nang magpahilot ang among lalaki ngunit sa pagdaan ng mga araw ay nagpakita na umano ng interes sa kanya.
Dumulog sa Bombo Radyo Cauayan ang pamilya ni Balbin nang iparating niya sa kanila na gusto na niyang umuwi ngunit ayaw siyang pauwiin ng kanyang mga amo.
Ang paghingi ng tulong ng pamilya Balbin ay ipinarating ng Bombo Radyo sa Pangulo ng OFW Federation sa Isabela na si Ginoong Edgar Pambid.
Idinulog niya ang problema ni Balbin kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na gumawa ng paraan para matulungan si Balbin.
Sinabi ni Balbin na nagpatulong din siya sa kanyang kaibigan sa Oman na siyang nagparating sa kanyang sitwasyon sa Embahada ng Pilipinas na siyang kumontak sa kanyang agency.
Sinampahan niya ng kasong harassment ang kanyang mga amo at natulungan din siyang makuha ang sahod na hindi niya natanggap.