
CAUAYAN CITY – Nasa maayos nang kalagayan ang apat na Overseas Filipino Workers na nasugatan sa tumamang magnitude 7.4 na lindol sa Taiwan.
Ito ang kinumpirma ni Manila Economic and Cultural Office Chairman Sivestre Bebot Bello sa naging ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan.
Ayon kay MECO Chairman Bello kahapon nang dinalaw nya ang tatlong OFW na nasa kani-kanilang dorm at ang isa pang pinoy na si Cristy Cumain na kasalukuyang nasa pagamutan kung saan nagpapagaling.
Aniya masaya niyang nakausap ang mga biktima kasabay ng pag abot ng tulong pinansyal na halos limampung libong piso bawat isa.
Patuloy din aniya ang employers ng mga OFW sa pagbibigay ng sahod kahit pansamantalang natigil ang kanilang trabaho dahil sa malakas na lindol.
Dagdag pa ni Bello na batay sa kanilang pakikipag-ugnayan sa Filipino Community sa Taiwan, ay wala na umano silang natatanggap na impormasyon na may pinoy na nasaktan o nawawala sa malakas na lindol.
Samantala, pinawi naman ni MECO Chairman Bello ang pangamba ng mga pamilya ng mga OFW dahil hindi umano sila tumitigil sa pag monitor sa kanilang sitwasyon.
Nakatakda naman na magtungo ang grupo ni MECO Chairman Bello sa Hualien Taiwan ang pinaka sentro ng lindol upang kumustahin ang kalagayan ng iba pang pinoy na naroon.









