--Ads--

CAUAYAN CITY- Kauuwi lang galing ibang bansa ang isa sa mga nasawi sa naganap na aksidente sa Aurora, Isabela.

Siya ay kinilalang si Emilio Vergara, 30-anyos at Chef sa isang international cruise ship.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lambert Bisandagan, biyenan ni Emilio, sinabi niya na pagka-uwi niya galing ibang bansa ay dumiretso siya sa kaniyang mga magulang sa Lungsod ng Baguio subalit nagpaalam din itong uuwi na ng Kalinga kung saan naroroon ang kaniyang 7-months na anak.

Iyon sana ang unang pagkakataon na makikita niya ang kaniyang anak dahil kakaalis niya lang ng bansa nang maipanganak ito.

--Ads--

Ang huling mensahe na kanilang natanggap mula kay Emilio ay nang ipaalam nito na nasa lalawigan na siya ng Isabela subalit naganap naman ang aksidente.

Isa umanong mabait na padre de pamilya si Emilio at nagsakripisyo itong magtrabaho sa ibang bansa upang mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang pamilya.

Aniya, unang linggo sana ng Hulyo ang orihinal na uwi nito ng Pilipinas subalit kinausap umano siya ng kaniyang boss na mag-extend dahil kinakailangan nila ng karagdagang manpower sa cruise ship na kaniyang pinagtatrabahuhan.