--Ads--

CAUAYAN CITY – Humihiling ng tulong sa Pamahalaan ang isang OFW na minaltrato ng kanyang amo sa Abu Dhabi.

Ang biktima ay si Merly Rivera, 43 anyos, residente ng Salinungan West, San Mateo, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Rivera na nais niyang mabigyan ng hustisya ang nangyari sa kanya at nais niyang ipa blacklist ang kanyang amo.

Ito ay matapos maltratuhin siya ng apat na toan kung saan paulit-ulit siyang iniuuntog sa semento, sinusuntok at sinasampal, pinapaso ng plantsa, hinahampas ng matigas na bagay ang kanyang binti sanhi para mahirapang maglakad at ang pinakamatindi ay binuhusan siya ng mainit na tubig sa mukha na dahilan para hindi makakita.

--Ads--

Nakauwi dito sa Pilipinas noong Sabado si Rivera matapos pauwiin dahil may kapalit na umano siyang isa ring Filipino ngunit baon ang alaala na dinanas sa kalupitan ng kanyang amo kung saan kinumpiska ng amo ang kanyang cellphone kaya wala siyang komunikasyon sa pamilya at hindi rin naibigay ang kabuoang sahod.

Hindi rin niya magawang tumakas noon dahil kapag umaalis ang amo ay kinukulong siya sa loob ng bahay.

Naging sandigan niya ang Diyos upang malampasan ang kanyang mapait na dinanas sa kamay ng malupit na amo.