CAUAYAN CITY – Nanawagan ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Oman sa pamahalaan ng Pilipinas na pagtuunan ng pansin ang mga no work no pay ngayon sa ibang bansa dahil hirap na sila sa kanilang sitwasyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Joel Agustin, waiter sa isang restaurant sa Oman at tubong lalawigan ng Nueva Ecija, sinabi niya na kung siya lamang ang tatanungin ay gusto na niyang umuwi sa Pilipinas dahil masyado na siyang nahihirapan sa kanilang sitwasyon ngayon.
Aniya, isang beses sa isang araw na lamang silang makakain ngayon ng dalawa niyang kasamahan na Pinoy sa kanyang pinagtatrabahuan para lamang mapagkasya ang natanggap nilang relief goods mula sa Filipino Community sa nasabing bansa.
Ayon kay Ginoong Agustin, noong Pebrero pa ang kanyang huling sahod at naipadala na rin niya sa kanyang pamilya dito sa Pilipinas kaya naman wala na rin siyang magagastos doon ngayon.
Wala naman aniyang ibinibigay na kahit na anumang tulong ang kanilang kumpanya at ang pamahalaan ng Oman.
Inihayag pa niya na hindi rin sila nakakalabas dahil mahigpit na ipinagbabawal doon ang paglabas ng mga tao.
Sa ngayon halos dalawang buwan na silang walang trabaho at wala pang sinasabi ang kanilang kumpanya kung kailan babalik ang operasyon nito.
Inihayag pa ni Ginoong Agustin na ilang beses na rin silang nagpadala ng mensahe sa embahada ng Pilipinas sa Oman subalit hanggang ngayon ay wala pa silang natatanggap na pagtugon.
Dahil dito, nawawalan na rin sila ng pag-asa at umaasa na lamang sila sa sino mang magbibigay ng tulong para sila ay makakain.











