--Ads--

Isang OFW sa Taiwan na kinilalang si alyas “Ann” ang nagreklamo matapos umano siyang mabiktima ng online financing scheme na sa halip na magbigay ng ₱2 milyong loan ay nagdulot ng pagkawala ng ₱360,000 at pagkalubog niya sa utang.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ann, nagsimula ang transaksyon noong Oktubre matapos siyang i-recruit umano ng isang vlogger na agent mula sa Ilagan City. Nangako umano ito ng loan na ₱2 milyon para sa negosyo at pag-uwi niya sa Pilipinas.

Sinabi umano sa kanya na kailangan niyang magbayad ng ₱100,000 sa bawat ₱1 milyong loan, kaya ₱200,000 para sa ₱2 milyon.

Sa una ay maliit lamang ang kanyang ibinayad, ngunit kalaunan ay paulit-ulit na nadagdagan ang hinihinging bayad hanggang umabot sa kabuuang ₱360,000.

--Ads--

Sa kabila nito, hindi pa rin nailalabas ang loan at sinabihan pa siya na may kulang pang ₱20,000. Nang tumanggi na siyang magbayad, umano’y nagalit pa ang mga kausap niya at sinabing hindi raw sila natatakot kahit magsumbong sa mga awtoridad.

Dagdag ni Ann, sinabi sa kanya na walang interes ang loan at tulong lamang daw ito dahil isa siyang single mother, ngunit sa halip na makinabang ay lalo siyang nabaon sa utang.

Samantala, muling pinaalalahanan ng Regional Anti-Cybercrime Unit 2 (RACU-2) ang publiko na maging mapanuri sa mga online financial transactions at agad i-report sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang gawain.