Ikinagulat ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Israel ang biglaang giyera na umusbong sa Middle East.
Matatandaan na nitong Sabado, ika-28 ng Pebrero ay inatake ng Estados Unidos at Israel ang Iran dahilan upang maglunsad ang huli ng retaliatory attack sa lahat ng US Military bases sa Middle East.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Leizel Miras ng Israel, nagbigay naman ng babala ang pamahalaan kaugnay sa magaganap na giyera subalit hindi nila alam kung kailan ito magsisimula kaya laking gulat na lamang nila nang may nagliliparan nang missiles.
Aniya, nakatatanggap naman sila alarm kapag may rocket na paparating para mabigyan pa sila ng pagkakataon na makapagkubli sa mga bomb shelters.
Gayunman, isang Filipina caregiver na kinilalang si Mary Anne Velasquez De Vera ang napaulat na nasawi habang inaasistehan ang kaniyang alaga patungong bomb shelter.
Ayon kay Miras, hindi na bago ang giyera sa Israel subalit di hamak na mas matindi ang tensiyon ngayon sa rehiyon at mas malalakas ang pinakakawalang rocket at missiles.
Dahil dito ay sarado na ang maraming mga establisyimento sa naturang bansa at limitado na rin ang mga pampublikong transportasyon.











