CAUAYAN CITY– Nangangamba na rin ang mga overseas filipino workers sa Saudi Arabia na maaring madamay sa nagaganap na kaguluhan sa pagitan ng Amerika at Iran.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Jerry Layco, isang overseas filipino workers sa Jeddah, Saudi Arabia na inihahanda na rin nila ang mga dokumentong kinakailangan tulad na lamang ng passport para magamit kapag kinakailangan nang umuwi sa bansa.
Pinawi na rin ng Phil. Consulate sa Jedda, Saudi Arabia ang pangamba ng mga OFW sa nasabing kaharian dahil hindi pa naman sila nadadamay sa giyera ng Amerika at Iran.
Sakali anyang madamay ang Saudi Arabia ay kaagad silang maglalabas ng abiso o pabatid sa mga OFW.
Anya mas mainam na sila ay ilikas habang hindi pa sumisiklab ang giyera dahil mas mahirap na itong gawin kapag may giyera.
Ayon pa kay Ginoong Jerry Layco, marami na sa mga OFW sa Saudi Arabia ang nais nang umuwi habang hindi pa sumusiklab ang kaguluhan sa buong Middle East .