Patibayan na ng loob sa mga Overseas Filipino Workers o OFW ang pananatili sa UAE dahil sa mga pag-atake na isinasagawa ng Iran sa naturang bansa.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Brave Lastimosa na nasa Abu Dhabi, malapit sa base militar ng US ang eskwelahan kung saan siya nagtuturo at Marso pa lamang ay sarado na ito dahil sa posibleng pag-atake o pambobomba.
Bagama’t buo pa rin ang natanggap niyang sahod noong nakaraang buwan, hindi pa tiyak ni Lastimosa kung magpapatuloy ito ngayong Abril dahil sa lumalalang sitwasyon.
Marami na ring OFWs ang nagsabing mula nang magsimula ang digmaan noong huling bahagi ng Pebrero, wala na silang regular na pasok sa trabaho, at ang ilan ay napilitan nang umuwi sa Pilipinas. May ilang establisyemento rin ang nagpatupad ng alternating schedule, kaya nagbago rin ang sahod ng ilang empleyado.
Ayon sa ulat, nagpapatuloy ang air strikes ng Iran sa rehiyon. Kaninang madaling araw lamang, isang ballistic missile ang na-intercept ng pamahalaan ng UAE, na nagpataas ng tensyon sa mga residente.
Tiniyak naman ni Lastimosa na ligtas sila sa kasalukuyang sitwasyon at aktibong nagbibigay ng proteksyon ang pamahalaan ng UAE sa kanilang mga mamamayan at mga dayuhang residente.
Hinikayat din niya ang mga OFWs na manatiling alerto, sundin ang safety protocols, at makipag-ugnayan sa Philippine Embassy o konsulado kung kinakailangan.











