Nagsagawa ng outreach gift-giving program ang Our Lady of the Pillar College (OLPC) Cauayan Batch 1992 para sa mga batang less fortunate sa Cauayan City.
Ayon kay Batch President Marivic Quilang, layunin ng aktibidad na maipadama ang kasiyahan at malasakit sa mga bata sa pamamagitan ng pagkain at pamamahagi ng iba’t ibang regalo.
Kabilang sa mga ipinamahaging items ang mga payong, tsinelas, gift packs, bitamina, at hygiene kits.
Ipinunto ni Quilang na matagal nang nagsasagawa ng outreach ang kanilang batch, ngunit kadalasan ay sa mga lugar na nasa forest region.
Ngayong taon ay napagdesisyunang sa mismong lungsod magsagawa ng programa.
Aniya, nais nilang ibahagi ang kanilang mga natatanggap na biyaya sa komunidad at hikayatin ang kanilang batchmates na magpatuloy sa ganitong mga gawain.
Tinatayang 50 pataas na miyembro ng Batch ’92 ang regular na nakikilahok sa ganitong mga aktibidad.
Inihayag din ni Quilang na plano nilang palawakin pa ang programa sa susunod na taon sa pamamagitan ng outreach para naman sa mga nakatatanda o senior citizens sa Cauayan City.











