--Ads--

Matapos ang panibagong insidente ng bomb threat, ikinukunsidera ngayon ng pamunuan ng Our Lady of the Pillar College-Cauayan (OLPCC) ang pagbuo ng isang Anti-Cyber Crime Committee na tututok sa mga insidenteng may kaugnayan sa cyber space.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay OLPCC President Junn Flores, sinabi niya na nakatakdang magsagawa ng talakayan ang pamunuan kasama ang ilang key officials upang pag-usapan ang komiteng bubuuin.

Aniya, mas mainam na may nakatalagang grupo na tututok sa mga banta sa seguridad ng paaralan, lalo na kung ito ay nagmumula sa online platforms.

Saklaw ng komite ang pakikipag ugnayan sa mga awtoridad sakaling makapagtala ng kahit anong uri ng kriminalidad na may kinalaman sa paggamit ng cyber space.

--Ads--

Matatandaan na nakapagtala ng panibagong pagbabanta ng OLPCC kaninang umaga sa pamamagitan ng isang mensahe na ipinadala sa Facebook Messenger Portal ng Kolehiyo.

Sa ngayon ay mayroon nang tinitignang anggulo ang mga awtoridad hinggil sa kung sino ang nagpadala ng bomb threat na posibleng estudyante o kaya ay Alumni.