Nag-negatibo sa bomba ang Our Lady of the Pillar College Cauayan (OLPCC), batay sa isinagawang inspeksiyon ng Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit.
Ito ay matapos makatanggap ng bomb threat ngayong araw, ika-15 ng Setyembre ang naturang Unibersidad sa pamamagitan ng isang mensahe na ipinadala sa Facebook Messenger Portal ng paaralan dahilan upang kanselahin ang pasok ng mga mag-aaral ngayong umaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Jun Flores, Presidente ng OLPCC, sinabi niya na agad silang nakipag-ugnayan sa EOD and Canine Unit upang masuri ang bisinidad ng paaralan at nagnegatibo naman ito sa anumang uri ng pampasabog.
Sa ngayon ay mayroon nang tinitignang anggulo ang mga awtoridad hinggil sa kung sino ang nagpadala ng bomb threat.
Magpapatuloy naman mamayang ala-una ng hapon ang pasok ng mga estudyante.
Ito na ang pangalawang pagkakataon na nakatanggap ng bomb threat ang naturang Unibersidad kung saan naitala ang unang pagbabanta noong ika-12 ng Setyembre 2024.











