CAUAYAN CITY – Napansin at hinangaan ni 2020 Tokyo Olympic gold medalist Hidilyn Diaz ang obra ng isang Person Deprived of Liberty (PDL) ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Santiago City na siya ang tampok matapos na mai-post sa social media.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay JCInps. Ericley Louis Lazaro, Jail Warden ng BJMP Santiago City, sinabi niya na bilang pinuno ng piitan ay ipinagmamalaki niya ang pagguhit ng isa nilang PDL sa imahe ni Hidilyn Diaz.
Aniya, para mabaling sa ibang bagay at malibang ang kanilang mga detainee ay pinahintulutan silang subaybayan ang mga laro 2020 Tokyo Olympic Games.
Dahil dito, nagkaroon ng ideya ang mga inmate pangunahin na si Rene Imperial na itampok si Diaz sa kaniyang obra sa charcoal painting.
Bilang suporta sa mga ganitong talento ay sila na ring mga opisyal ang bumibili sa mga artwork ng mga PDL at para mas marami ang makaalam at bumili sa kanilang mga obra ay ipinopost din ito sa social media.
Dahil dito, naipaabot kay Diaz ang artwork sa tulong na ng kanilang kakilala na kabilang sa delegasyon ng Pilipinas.
Tumugon si Diaz at pinuri ang charcoal painting sa kanyang imahe.
Personal itong ibinahagi ni Diaz sa kanyang Facebook account at pinasalamatan ang nasabing PDL na labis ang kasiyahan dahil sa kabila ng maraming fan art sa social media para sa gold medalist ay napansin ang kanyang ginawa.
Noong Lunes ay naka-283 reaction at higit 100 shares na ang nasabing post sa Facebook Page ng BJMP Santiago City na ipinasakamay kay Diaz noong Lunes.






