Hinimok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang publiko na hayaang gampanan ng Office of the Ombudsman ang tungkulin nitong papanagutin ang mga tiwaling opisyal at empleyado ng pamahalaan na sangkot sa mga iregularidad sa mga proyekto sa flood control.
Ayon sa Pangulo, panahon na upang hayaang kumilos ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), ang Ombudsman, at ang Department of Justice (DOJ) upang tugisin ang mga sangkot sa malawakang sistema ng katiwalian na nadiskubre sa mga proyektong ito.
Kamakailan, inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na nakatakda siyang magsampa ng kaso laban sa ilang mataas na opisyal ng gobyerno at kanilang mga kasabwat sa mga maanomalyang flood control projects sa Sandiganbayan bago sumapit ang Nobyembre 25.
Saklaw ng Sandiganbayan ang mga opisyal ng gobyerno na may Salary Grade 27 pataas, habang ang mga kaso laban sa mga may Salary Grade 26 pababa at kanilang mga kasabwat ay saklaw ng regional trial courts.
Ipinaliwanag din ni Remulla na gagamit ang Ombudsman ng artificial intelligence (AI) upang mapabilis ang imbestigasyon at pag-usig sa mga kaso ng graft at corruption.
Nang tanungin kung bukas siya sa paggamit ng AI sa pamahalaan, sinabi ni Pangulong Marcos na dapat itong gamitin sa lalong madaling panahon upang hindi mahuli sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya.
Binigyang-diin niya na ang pagdating ng AI ay hindi mapipigilan at dapat matutunan ng pamahalaan kung paano ito gagamitin sa mabisang, ligtas, at makataong paraan upang hindi maiwan sa modernong pagbabago.
Naniniwala ang pangulo na naibalik na ang kumpiyansa sa ekonomiya ng bansa kasunod ng isyu ng korapsyon sa maanomalyang flood control projects.











