Tiniyak ng Office of the Ombudsman na tutugon ito sa direktiba ng House justice committee na magsumite ng certified true copies ng Statement of Assets Liabilities and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte.
Gayunman, nilinaw ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na hindi siya personal na dadalo sa pagdinig sa Abril 14, kundi ang opisyal na tagapag-ingat ng mga dokumento ang magdadala ng mga ito.
Ang subpoena na nilagdaan nina Speaker Faustino Dy III, committee chair Rep. Gerville Luistro, at Secretary General Cheloy Garafil ay nag-aatas sa Ombudsman na isumite ang SALN ni Duterte mula 2007 hanggang 2025. Kailangan umano ang mga dokumento upang suriin ang mga deklarasyon ng bise presidente kaugnay ng mga reklamong impeachment na inihain ng iba’t ibang grupo at sinuportahan ng ilang mambabatas.
Kasabay nito, ipinatawag din ang detainee na si Ramil Madriaga, na nagsabing siya ang naging “bagman” ni Duterte. Inutusan siyang humarap sa Abril 14 at magsumite ng orihinal na kopya ng kanyang affidavit noong Nobyembre 2025, kasama ang mga ebidensya.
Nagpaalala naman si Manila 3rd District Rep. Joel Chua na ang impeachment hearings ay seryosong tungkulin ng Konstitusyon at hindi dapat ituring na “showbiz.” Tugon ito sa puna ni Zamboanga City Mayor Khymer Olaso na tinawag na palabas ang proseso.
Dagdag pa niya, ang impeachment ay pagsubok sa kakayahan ng mga lider na manatili sa puwesto.
Samantala, nilinaw ni Misamis Oriental Rep. Karen Lagbas na ang boto niya sa committee level ay para lamang sa pagtukoy kung may sapat na batayan ang reklamo, at hindi pa ito aktwal na boto para sa impeachment.
Ipinaliwanag niyang dumaraan pa sa ilang yugto ang proseso: pagtukoy sa porma at substansya, pagsusuri ng grounds, pagdinig sa ebidensya, at paghanap ng probable cause bago makarating sa plenaryo.











