CAUAYAN CITY – Maglulunsad ng Unity Ride and Signature Campaign kontra Doble Plaka ang mga miyembro ng Regions 2 Riders Federation na gaganapin sa araw ng Sabado sa Queen Isabela SkyPark sa Brgy. Alibagu, Ilagan City.
Ang naturang Unity Ride and Signature Campaign kontra Doble Plaka ay inaasahang dadaluhan ng mga kasapi mula sa ibat ibang lalawigan dito sa Rehiyon Dos at layunin nilang makapangalap ng isang milyong lagda.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan G. Cris Fabro, Secretary ng Riders Federation ng Region 2 at Pangulo ng Isabela Knight Rider’s Club, layunin nito na tutulan ang pagpasa ng Senate Bill 1397 o Motorcycle Crime Prevention Act of 2017 ni Sen. Richard Gordon na gawing doble ang plaka ng mga motorsiklo at mas malaki ang itsura.
Ayon kay G. Fabro, hindi ito solusyon upang wakasan ang mga riding in tandem criminals sa halip ay dagdag pasanin lamang ito sa mga motorista upang gumastos sa karagdagang plaka.
Iginiit pa ni G. Fabro na kung dadagdagan pa ng isang plaka ang mga motorsiklo ay mas mahihirapan at matatagalan na naman ang LTO na magpalabas ng plaka.
Sinabi pa ni Fabro na police visibility ang kailangan dahil kahit umano malalaki ang plaka, kung walang pulis na makakakita nito ay mahihirapan pa rin madakip ang mga suspek na nakagawa ng krimen.




