--Ads--

Isasagawa ang online job fair ngayong unang araw ng Mayo ng Department of Labor and Employment o DOLE Region 2 para matiyak ang kaligtasan ng mga naghahanap ng trabaho kontra sa COVID-19.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Chester Trinidad, tagapagsalita ng DOLE Region 2 na lahat ng kanilang job openings ay nakapost na sa kanilang facebook page at bisitahin lamang ng mga naghahanap ng trabaho.

Aniya, dahil isasagawa ito online ay ipapasa na rin online ang lahat ng kanilang requirements.

Kailangan lamang nilang magregister sa link na makikita sa kanilang website.

--Ads--

Ayon sa kanya, mahigit limampo ang job openings ngayon ng DOLE Region 2 na mula sa dalawampong establisyemento at maari pa itong madagdagan.

Kasabay naman ng labor day ay magkakaroon sila ng vaccination program sa mga vulnerable workers sa rehiyon katuwang ang DOH.

Nasa sampo ang nakatakdang mabakunahan at umaasa sila na sa mga susunod na araw ay madagdagan pa.

Ang bahagi ng pahayag ni Ginoong Chester Trinidad.

Samantala, kasabay ng job fair ay magsasagawa rin ang DOLE Region 2 ng payout at livelihood awarding sa mga benepisaryo sa lunsod ng Tuguegarao.

Magsasagawa rin sila ng awarding at payout sa mga benepisaryo ng COVID-19 Adjustment Measures Program o CAMP at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD sa lunsod ng Ilagan.

Katuwang nila rito ang pamahalaang panlalawigan ng Cagayan at Isabela.

Ayon kay Ginoong Trinidad, mayroong isang libo siyam na raan na benepisaryo ng CAMP sa lunsod ng Ilagan at dalawang libo siyam na raan naman sa TUPAD.