--Ads--

Dinagsa ng mga pamilya ng Persons Deprived of Liberty o PDL ang Cauayan City District Jail sa isinagawang open house visit nitong January 1, bilang bahagi ng programa ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na bigyang-halaga ang pagsasama ng mga PDL at kanilang mga pamilya tuwing bagong taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jail Senior Inspector Susan T. Encarnacion, Acting District Jail Warden ng Cauayan City District Jail, halos magkapareho ang dami ng mga dumalaw noong Pasko at Bagong Taon. Karaniwan ay mula ala-1 hanggang alas-4 lamang ng hapon ang oras ng dalaw tuwing weekdays, subalit humiling ang kanilang tanggapan ng pahintulot sa mas mataas na pamunuan sa pamamagitan ng regional office upang payagang gawing maghapon ang visiting hours.

Layunin ng hakbang na ito na mabigyan ang mga PDL ng mas mahabang oras na makapiling ang kanilang mga pamilya at maramdaman ang diwa ng Pasko at Bagong Taon sa kabila ng kanilang kalagayan.

Upang matiyak ang kaayusan at seguridad, ipinatupad ang alternate visiting system kung saan hindi sabay-sabay pinapapasok ang mga bisita. Tig-15 minuto bawat batch ang dalaw at isang pamilya lamang ang pinapayagang pumasok sa loob para sa bawat PDL.

--Ads--

Dagdag pa ni Encarnacion, sinikap ng BJMP Cauayan na ma-accommodate ang lahat ng dumalaw, kaya’t maayos ang naging daloy ng bisita sa kabila ng dagsa ng mga pamilya.

Samantala, patuloy din ang suporta ng Pamahalaang Lungsod ng Cauayan sa mga PDL, kung saan halos taun-taon ay namamahagi ito ng libreng food packs bilang bahagi ng kanilang programa tuwing holiday season.

Nagpaabot din ng pasasalamat ang BJMP Cauayan sa mga indibidwal, organisasyon, at grupo na nagbigay ng tulong at donasyon tulad ng mga damit, hygiene kits, at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga PDL.