Nagsagawa ang Barangay Tagaran ng operasyon laban sa mga galang aso at baka na inumpisahan noong nakaraang buwan bilang tugon sa mga reklamo ng mga residente tungkol sa panganib sa kalsada na dulot ng mga ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay Daniel Jacob, Isa sa mga kagawad sa nasabing barangay, sinabi niya na ang operasyon ay iniutos ng bise-alkalde ng Lungsod ng Cauayan upang mapanatili ang kaligtasan sa barangay.
Sa kanilang naging tala, apatnapu’t walong aso at siyam na baka ang nahuli mula nang simulan ang operasyon. Karamihan sa mga asong nahuli ay nakitang gumagala sa kalsada at naghahanap ng pagkain sa basurahan.
May ilang may-ari ng baka ang nakiusap na huwag na itong dalhin sa impounding area, lalo na kung unang beses pa lang na nahuli ang alaga nila. Sa ngayon, wala pa ring permanenteng impounding area para sa mga baka.
Umakyat na sa 36 katao ang nasampolan dahil sa kapabayaan sa kanilang mga alaga.
Naglabas din ng penalty system ang barangay, ₱500 multa para sa unang hulí na aso, ₱2,000 multa para sa ikalawang beses, dagdag pa ang bayad sa pagkain ng hayop habang naka-impound
May naiulat na isang insidente ng kagat ng aso, at ilang ulit na ring nagreklamo ang mga residente na hinahabol sila ng mga aso habang naglalakad sa kalsada.
Hinimok ng barangay ang mga residente na italì at bantayan ang kanilang mga alaga upang maiwasan ang anumang disgrasya at mga posibleng sakit mula sa rabies nitong mga alagang aso.
Home Local News
Operasyon laban sa galang hayop, isinagawa sa isang Barangay sa Cauayan City
--Ads--











