--Ads--

CAUAYAN CITY – Limitado muna sa mga emergency cases ang tutugunan ngayon ng Cauayan City District Hospital dahil sa pagpopositibo ng siyam na kawani ng ospital.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Nelson Paguirigan, provincial health officer ng Isabela, sinabi niya na pansamantalang ititigil muna ang ibang operasyon ng ospital dahil sa pagpositibo ng siyam na nurses at medtech at upang bigyang daan ang isasagawang disinfection at contact tracing.

Tiniyak naman ni Dr. Paguirigan na bukas pa rin ang emergency room ng nasabing ospital para sa mga emergency cases.

Ayon kay Dr. Paguirigan, posibleng nahawa sa pasyenteng may covid 19 ang mga staff dahil tumatanggap na ng covid patients ang mga public hospitals ngayon sapagkat punuan na ang mga covid referral hospitals tulad ng SIMC at CVMC.

--Ads--

Nakaconfine ngayon ang siyam na nagpositibong staff sa quarantine facility ng Cauayan City District Hospital at karamihan sa kanila ay asymptomatic at mild cases lamang.

Nakadipende naman ang pagbabalik sa normal na operasyon ng ospital sa magiging resulta ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng siyam na staff.

Ayon kay Dr. Paguirigan, mataas ang occupancy rate ng covid 19 sa mga ospital ngayon at nasa 50% na ng kapasidad ng CDH ang naukupahan dagdag pa ang siyam na staff na nagpositibo.

Ang bahagi ng pahayag ni Dr. Nelson Paguirigan.

Sa pinakahuling datos naman ng Provincial Health Office nasa 956 ang bagong kaso ng covid 19 sa lalawigan ng Isabela at may mga wala pang CV Code.

Dahil dito umakyat na sa kabuoang 13, 642 ang confirmed cases sa Isabela kung saan nagtala ng 1,054 new recoveries habang umakyat pa sa 10,478 ang total recoveries.

Nagtala naman ng labing siyam na panibagong namatay kayat umakyat na sa 262 ang total deaths sa Isabela.

Umaabot naman sa 2,902  ang active cases sa Isabela.

Nilinaw ni Dr. Paguirigan na ang nasabing mataas na bilang ay dahil sa pagkaantala ng mga resulta ng specimen testing.

Pinakamarami pa rin sa nasabing bilang ay mula sa mga lunsod ng Santiago, Cauayan at Ilagan.

Muli namang nagpaalala si Dr. Paguirigan sa mga mamamayan na sumunod pa rin sa mga minimum health protocols upang makaiwas sa virus.

Ang karagdagang pahayag ni Dr. Nelson Paguirigan.