--Ads--

CAUAYAN CITY – Mas pinaigting ang operasyon ng Cauayan City Emergency Operation Center na tutugon sa mga tawag at iba pang concern ngayong Semana Santa.

Ang Emergency Operation Center ang tatawagan ng mga otoridad kung sakali mang may hindi kanais-nais na pangyayari at sila naman ang magbibigay ng impormasyon sa mga men in uniform upang rumesponde.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Disaster Risk Reduction Management Officer Ronald Viloria, sinabi niya na malaking tulong ang pagkakaroon ng emergency operation center dahil madaling malalaman kung nasaan ang mga nangangailangan ng tulong.

Nagkaroon na ng direktiba si Mayor Jaycee Dy sa City Disaster Risk Reduction and Management Council kung saan miyembro ang Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Public Order and Safety Division at Rescue 922 na bantayan at magkaroon ng inspeksyon sa mga lugar na malimit dagsain ng mga tao.

--Ads--

Ipinag-utos din ng punong lunsod ang pagbisita sa mga ilog maging ang simbahan at mga terminal upang maiwasan ang kaguluhan tuwing magdadagsaan ang mga luluwas.

Inatasan din ang mga opisyal ng Barangay na maglagay ng mga karatula o signage sa mga lugar na accident prone area.

Samantala, bilang preparasyon ng council, bago pa man ang Sabado de Gloria ay maglalagay na sila ng kagamitan sa mga ilog tulad ng bangka na gagamitin sa emergency.

Nagsimula na rin silang bumisita sa mga resort sa lungsod upang matiyak na fully equipped na ang mga ito at may mga bihasang lifeguards kung sakali mang magkaroon ng aksidente.

Umaasa ang pamahalaang lunsod na walang maitatalang kaso ng pagkalunod ngayong Semana Santa.