--Ads--

Naging maayos at walang aberya ang operasyon ng palengke ng Lungsod ng Ilagan kamakailan, ayon sa ulat ng lokal na awtoridad. Walang naiulat na hindi kaaya-ayang pangyayari, tulad ng pagkawala ng paninda o pera sa pamilihan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gerry Manguira, City Market Supervisor ng Ilagan, sinabi nitong naging matagumpay ang operasyon dahil sa maayos na pagpaplano ng kanilang team.

Aniya, nakatuon lamang ang full deployment ng kanilang personnel tuwing December 24 at December 31, ngunit sa mga susunod na panahon ay magsisimula na sila nang maaga sa pag-deploy ng mga tauhan upang magbantay sa pamilihan.

Idinagdag ni Manguira na sa unang araw pa lamang ng Enero, nagsimula na ang paglilinis kasama ang mga market sweeper upang maayos ang pamilihan bago muli ang pagbubukas. Kasabay nito, inayos rin ang mga stall ng mga vendor na nakalagay sa labas upang hindi makasagabal sa daanan.

--Ads--

Nagpaalala rin ang opisyal sa mga mamimili at nagtitinda na maging maingat sa kanilang pera at siguraduhing nakaparada sa tamang lugar ang kanilang mga sasakyan upang hindi makaabala sa trapiko.

Nagpasalamat din siya sa mga kasamahang personnel na tumutulong sa pagbabantay, pagpapanatili ng kalinisan, at kaayusan ng palengke.