Inirekomenda ng konseho ng Lungsod ng Cauayan ang pansamantalang pagpapatigil sa operasyon ng isang poultry farm sa Marabulig 1, Cauayan City hangga’t hindi pa natatapos ang conveyor na sinasabing solusyon upang maiwasan ang pagdami ng langaw sa naturang lugar.
Sa isinagawang committee hearing ngayong araw, tinalakay ang usapin sa pagdami ng mga langaw na nagmumula sa mga poultry farms sa lungsod pangunahin na sa barangay Marabulig 1 at Gappal na nagdudulot umano ng perwisyo sa mga residente lalo na tuwing harvest season.
Ayon kay Vice Mayor Benjie Dy III ng Cauayan City, mahigit limang taon na ang nakalilipas nang simulan ang pagdinig tungkol sa nasabing usapin subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin nasosolusyunan ang problema sa langaw.
Dahil dito, inirekomenda nito sa Konseho na mag-issue na ng letter for temporary closure sa isang farm sa Marabulig Uno.
Bibigyan ng panahon ang farm upang ayusin at tapusin ang conveyor na solusyon umano upang mapigilan ang pagdami ng langaw subalit kapag hindi ito nasolusyunan ay tuluyan na itong ipasasara.
Maging ang Poultry farm sa barangay Gappal ay binigyan na rin ng warning at maaari ring pansamantalang ipasara kung hindi masusugpo ang problema sa langaw.
Ayon sa Bise Alkalde, bukas ang sinuman na magtayo ng negosyo sa lungsod ngunit kaakibat nito ang responsibilidad na kailangang gampanan ng mga nagne-negosyo.
Nagbiro rin ito sa sitwasyon ng mga residenteng nakararanas ng problema sa langaw at sinabing “buhay pa ang mga ito ngunit nilalangaw na.”







