--Ads--

CAUAYAN Magbibigay muli ang Isabela Electric Cooperative o (ISELCO) 2 ng isang pagkakataon upang ang mga delingkuwenteng member consumers ay mabayaran kahit unti-unti ang kanilang mga pagkakautang sa kooperatiba.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ipinabatid ni General Manager Dave Solomon Siquian ng ISELCO 2 na sa pamamagitan ng Ilulunsad nilang ‘Oplan Balik Loob’ ay umaasa sila na lalo pang mapaganda ang collection efficiency ng nasabing kooperatiba.

Bukod dito ay mabibigyan din ng pagkakataon ang mga member consumers na may mga pagkakautang na ma-update ang kanilang mga bayarin.

Sinabi ni General Manager Siquian na sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaluwagan at pakikipag-usap sa mga nais magsamantala sa naturang programa ay maaaring mapagaan ang pamamaraan ng kanilang pagbabayad.

--Ads--

Inihalimbawa ni Siquian ang Oplan balik loob na parang pagbibigay ng amnestiya bagamat ito ay hindi ganap na pagsasawalang saysay sa mga bayarin kundi kinakailangan lamang na sila ay makipag-usap sa kanilang tanggapan at ihayag ang kanilang gustong pamamaraan kung papaano mapapagaan ang kanilang mga pagkakautang.

Sinabi niya na maaring hindi na singilin pa ang mga sur-charges o mga multa sa matagal nang pagkakautang, depende sa pag-uusapan ng pamunuan ng ISELCO 2 at member consumers.