--Ads--

CAUAYAN CITY – Ipinatupad na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) region 2 ang Oplan Biyaheng Maayos sa Semana Santa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Regional Director Edward Cabase ng LTFRB region 2 na noong nakaraang Biyernes ay sinimulan na nilang magkabit ng mga karatula sa mga terminal at nagtalaga ng kanilang mga enforcer sa mga major terminal sa Isabela at Tuguegarao City.

Layunin aniya ng Oplan Biyaheng Maayos sa Semana Santa na mabantayan nilang mabuti ang kapakanan at kaligtasan ng mga mamamayan.

Inihayag pa ni Mr.Cabase na mahigpit nilang ipagbabawal ang sobrang pasahero ng mga passenger vehicles para matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan.

--Ads--

Hindi rin pinapayagan na mag-operate ang isang terminal kapag hindisumunod sa ipinatupad na panuntunan ng LTFRB.

Kasama ng LTFRB sa pagpapatupad ng Oplan Biyaheng Maayos sa Semana Santa ang Land Transportation Office (LTO), Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Tiniyak ng LTFRB region 2 na hindi nila palalampasin ang mga kolorum na bus at jeep.

Sinabi pa ni Mr. Cabase na paiigtingin nila ang kanilang anti-colorum operation at mga batas sa lansangan.

Hindi rin nila pinapayagan na magmaneho ang mga tsuper na hindi sumailalim sa Drivers Academy.

Ngayong nalalapit ang Semana Santa ay walang pagtaas ng pasahe.

Sinabi niya na kaunti man ang kanilang mga tauhan ay tinitiyak niya na magagawa nila ng maayos ng kanilang trabaho.