CAUAYAN CITY- Wala anumang ipinagbabawal na kontrabando ang nakuha ng mga otoridad sa isinagawang oplan Greyhound sa loob ng BJMP District Jail sa lunsod ng Ilagan.
Ang operation linis sa piitan o Oplan Greyhound ay kapwa isinagawa ng Special Weapons and Tactics ( SWAT ) at Ilagan City Police Station.
Tanging ilang toothbrush o sepilyo, pako at isang ballpen ang nakuha ng mga otoridad sa loob ng BJMP District Jail Ilagan City.
Ang sepilyo ay hindi dapat buo kundi pinuputol o hinahati dahil magagamit itong panaksak kapag tinulisan ang dulo nito.
Ayon kay Jail Inspector Jose Bangog Jr, City Jail Warden ng BJMP District Jail Ilagan City , ito ay programa ng Bureau of Jail Management and Penology upang matiyak na walang kontrabando pangunahin na ang mga ipinagbabawal na droga na naipupuslit sa mga kulungan.
Ang mga SWAT Team, PNP Ilagan City kasama ang Bombo Radyo Cauayan ang tanging pumasok sa BJMP District Jail at nagsilbi na lamang na guwardiya ang mga taga BJMP.
Bago nagsagawa ng operation greyhound ay pinalabas muna ang 109 na mga bilanggo at inipon sila sa quadrangle saka pinasok na ng mga pulis ang bawat selda ng mga inmates.




