CAUAYAN CITY– Isinagawa ang oral health caravan ng Isabela Provincial Health Office bilang bahagi ng pagsusulong ng oral health.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay King Alabon, Health and Education Promotion Officer ng Isabela Provincial Health Office, sinabi niya na naging matagumpay ang isinasagawang oral health caravan sa Alicia, Isabela.
Kabilang sa highlights ng oral health caravan ay ang parada kung saan itinampok ang float na ginawa ng LGU Alicia, maliban pa sa ginawang pagpili sa mga orally fit children na walang sira at malulusog ang ngipin.
Nagkaroon rin ng pamamahagi ng oral hygiene kits kabilang ang mga school age children.
Aniya, ang oral health caravan ay taun-taon na ginagawa sa lalawigan subalit pansamantalang ipinagpaliban dahil sa pandemya at ang pinaka-layunin nito ay maturuan ang mga magulang at mga kabataan sa wastong pangangalaga ng ngipin.
Ilan sa mga naging punto ng oral health caravan ay ang pagsasabuhay ng mga magulang ng wastong pangangalaga sa ngipin o oral hygiene upang maipalaganap ang kaalaman sa kanilang mga anak.
Nakatakda namang magsagawa ng oral health caravan ang LGU Reina Mercedes na gaganapin sa kanilang Rural Health Unit.
Inaasahan rin sa mga susunod na araw ay makikipag-tulungan ang ilang dentista sa pagsasagawa ng oral health caravan at makapagbigay ng libreng bunot ng ngipin.