Inilunsad ng lokal na pamahalaan ang Orange Exhibit ngayong 2025, isang art exhibit na naglalayong ipakita ang karanasan ng mga biktima ng karahasan laban sa kababaihan at kabataan.
Ayon kay Ginang Maria Cristine Ordoñez, GAD Focal Person, nakatuon ang exhibit sa temang Masayang Cauayan, kung saan itinatampok kung paano natutulungan ng lungsod ang mga biktima na makabangon mula sa karahasang kanilang naranasan at muling maramdaman ang kasiyahan.
Dagdag pa niya, hindi lamang karahasan ang tinatalakay sa exhibit kundi maging ang proseso ng paggaling at ang suporta mula sa pamahalaan na tumutulong sa mga biktima sa kanilang rehabilitasyon.
Ipinapakita ng mga painting sa exhibit ang pinagdadaanan ng mga biktima mula sa trauma hanggang sa unti-unting pagbangon.
Sinabi rin ni Ginang Ordoñez na bahagi ang proyekto ng patuloy na inisyatibo para sa proteksyon at empowerment ng kababaihan at kabataan na nakaranas ng karahasan.
Nilinaw din ng lokal na pamahalaan na ang exhibit ay bukas sa publiko at layuning ipakita ang kahalagahan ng suporta, rehabilitasyon, at malasakit sa karapatan at kalagayan ng kababaihan sa komunidad.
VIA – BOMBO HAROLD APOLONIO











