Isang kakaibang orchestra ang pinarangalan ng Guinness World Records ng titulong “Most concerts by a vegetable orchestra” matapos nitong tumugtog sa 344 na concerts sa loob ng 27 taon kung saan gamit lamang ang mga instrumentong gawa sa gulay.
Ang 11-member Vegetable Orchestra ay nabuo noong 1999 sa Vienna, Austria, nang magsama-sama ang ilang musikero mula sa iba’t ibang larangan upang lumikha ng tunog gamit ang mga inukit na gulay.
Ayon sa kanila, nagsimula lang ito bilang isang biro, ngunit kalaunan ay naging isang natatanging anyo ng sining.
Mula sa carrot na ginawang flute hanggang sa leek na ginawang mandolin, perpekto na ngayon ang kanilang paraan ng pagtugtog gamit ang gulay. Pero hindi pangmatagalan ang kanilang mga instrument.
Nagtatagal lang ang mga ito ng anim na oras bago magsimulang mabulok o mawalan ng hugis. Dahil dito, ang bawat kanilang pagtatanghal ay nag-uukit sila ng panibagong set ng gulay upang gawing instrumento.
Hindi rin nasasayang ang kanilang gamit na gulay, dahil pagkatapos ng bawat konsyerto, ang mga hindi nagamit ay ginagawang veggie soup para sa audience, habang ang mga nagamit at sirang instrumento ay isinasailalim sa composting bilang bahagi ng kanilang eco-friendly na adbokasiya.
Sa kabila ng kanilang pagiging natatanging orchestra, may isang tanong na mahigpit nilang ipinagbabawal sa bawat palabas, iyon ay kung sila ba ay vegetarian.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang Vegetable Orchestra sa paggawa ng kakaibang musika, patunay na kahit sa pinakasimpleng bagay, maaaring makalikha ng isang kahanga-hangang tunog.











