--Ads--

CAUAYAN CITY- Isinusulong ni City Councilor Paolo Eleazar Miko Del Mendo ang isang ordinansa na naglalayong ipagbawal ang mga road at drainage construction tuwing peak hours sa Cauayan City upang maibsan ang lumalalang trapiko.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, iginiit ni Councilor Del Mendo na ang mga construction activities ay isa sa pangunahing dahilan ng traffic congestion sa ilang bahagi ng lungsod. Kaya’t layunin ng kanyang panukala na pansamantalang itigil ang anumang road works mula alas-6 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga, at mula alas-4 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.

Ang City Engineering Office at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang itatalaga upang tumutok sa implementasyon ng nasabing ordinansa.

Binigyang-diin ni Del Mendo na win-win solution ito para sa mga commuters, pedestrian, at maging sa mga contractor. Aniya, hindi maaabala ang mga motorista sa panahon ng matinding daloy ng trapiko, habang maiiwasan rin ang pagkaantala ng konstruksyon sa ibang oras ng araw.

--Ads--

Bukas din ang panukala sa pagpapataw ng multa sa mga contractor na lalabag sa ordinansa—P2,000 sa unang paglabag, P3,000 sa ikalawa, at posibilidad ng blacklisting para sa mga paulit-ulit na paglabag.