Binalangkas ng Local Government Unit ng Cauayan ang isang lokal na ordinansa na nagpapalakas sa kampanya laban sa mga modified mufflers o maiingay na tambutso sa Lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Paolo Eleazar Del Mendo, sinabi niya na nakapag-procure na ang LGU Cauayan ng 20 units ng decibel meter sa pangunguna ni Vice Mayor Benjie Dy para sa mga gumagamit ng modified mufflers sa lungsod.
Dahil sa mga aparatong ito, pag-aaralan na rin ang pagde-deputize sa mga POSD personnel upang manghuli ng mga motoristang gumagamit ng modified muffler sa bisa ng lokal na ordinansang ipinasa.
Ang hakbang na ito ay tugon sa paulit-ulit na reklamo ng mga residente hinggil sa maiingay na tambutso ng mga motorsiklo.
Sa pamamagitan ng decibel meter, masusukat na ang antas ng ingay at magkakaroon ng batayan sa penalization ng mga motoristang lalampas sa itinakdang decibel level na naaayon sa umiiral na batas.










