--Ads--

CAUAYAN CITY- Binigyang diin ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) na hindi nila kontrolado ang ipinatutupad na bayarin ng mga asosasyon ng senior citizen sa lungsod ng Cauayan.

Ito ay kaugnay sa daing ng ilang senior citizen na sila ay nagbabayad ng 100 pesos kung mayroon silang kasamahan na pumanaw.

Bukod dito ay nagbabayad pa sila ng 20 pesos na monthly dues o 240 pesos sa bawat taon.

Ayon sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Edgardo Atienza Sr., OSCA Head, sinabi niya na walang batas sa Pilipinas na nag uutos o nag o-obliga sa mga Senior Citizen na mag bayad ng kahit anong bayarin.

--Ads--

Wala rin aniyang mandato ang kanilang tanggapan na magbayad ng 100 pesos kung may isang myembro ang pumanaw.

Gayon pa man, nilinaw pa ni OSCA head na ang contribution tuwing may pumanaw na miyembro ng Senior Citizen ay napag-uusapan sa bawat barangay at ito ay personal na kagustuhan ng mga myembro bilang tulong o abuloy.

Nakipag-ugnayan na rin aniya ang kanilang tanggapan sa mga presidente ng senior citizen at napag-usapan na malaking tulong ang contribution kaya nagtuloy tuloy na ito.

Samantala, kung ang mga bayarin naman na nabanggit ay labag sa kalooban ng mga senior citizen, maaari aniya silang makipag-ugnayan sa kanilang presidente at kung hindi pa rin ito matutugunan ay mismong Office of the Senior Citizens Affairs na ang tutugon sa problema.