--Ads--

Nakapag-isyu ng kabuuang 275 bagong senior citizen identification card ang Office of the Senior Citizens Affairs Santiago City sa loob lamang ng Enero at unang bahagi ng Pebrero ngayong taon.

‎Sa panayam kay Ginoong Antonio Carrion, Officer-in-Charge ng OSCA, sinabi nitong mandato ng kanilang tanggapan ang pagproseso at pag-iisyu ng senior citizen ID sa Santiago City.

‎Ayon Kay Carrion, umabot sa 184 ang bagong rehistradong senior citizen noong Enero, habang 91 naman ang naitala mula Pebrero 1 hanggang sa kasalukuyan, kaya’t umabot sa 275 ang kabuuang bilang ng mga bagong ID na naipamahagi sa nasabing dalawang buwan.

‎Bukod sa mga bagong aplikante, nagproseso rin ang tanggapan ng mga second issue o pagpapalit ng ID para sa mga nawala, na may kaukulang affidavit of loss. Kabilang din dito ang pagpapalit ng mga lumang PVC-type IDs. Noong Enero, nakapag-isyu ang opisina ng 205 replacement IDs, habang 120 naman ngayong Pebrero.

‎Nilinaw naman ng opisyal na walang expiration date ang mga senior citizen ID na iniisyu ng kanilang tanggapan.

‎Patuloy namang hinihikayat ng OSCA ang mga kwalipikadong residente na magtungo sa kanilang opisina upang makapagparehistro at makakuha ng kaukulang identification card na magbibigay-daan sa pag-avail ng mga benepisyo para sa mga nakatatanda.