--Ads--

CAUAYAN CITY– Hindi naman naapektuhan ang operasyon ng Shaare Zedek Medical Center sa Jerusalem, Israel sa kabila ng pagitaw ng sinkhole.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginang Mary Anne Solda ng Hizkiyzhu Hamelech Jerusalem, Israel at tubong Aurora, Isabela na ayon sa anak ng kanyang alaga na nurse sa naturang pagamutan, normal pa rin ang operasyon ng ospital at siniguro rin ng pamunuan ng pagamutan na aayusin nila ang nasabing sinkhole.

Aniya, ngayong linggo ay pupunta sana sila sa ospital para sa appointment ng alaga niya pero mabuti na lamang at nailipat sa June 28, 2021 .

Batay naman sa doktor nito ay walang problema sa appointment ng mga pasyente sa pagamutan.

--Ads--

Ayon kay Ginang Solda, wala naman silang nararamdaman na pagyanig ng lupa kapag pumupunta sila sa ospital.

Sinabi niya na ang Shaare Zedek Medical Center ay isa sa pinakamalaking ospital sa Jerusalem at marami ang nagtutungo rito na mula sa ibang lugar kaya nag-aalala sila dahil malapit lamang sa entrance ng ospital ang sinkhole.

Ito naman ang unang pagkakataon na may naitalang sinkhole sa naturang lugar.

Bahagi ng pahayag ni Gng. Mary Ann Solda

Samantala, sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Krispher Van De Guzman ng Moshe Kol, Jerusalem at tubong Pangasinan na wala namang nasaktan sa naitalang sinkhole sa parking area ng nasabing pagamutan pero anim na sasakyan ang nahulog.

Ang paglitaw anya ng sinkhole ay dahil sa ginagawang tunnel sa ilalim ng lupa.

Naapektuhan ang water pipe ng water line kaya nabasa at lumambot ang lupa kaya gumuho.

Bahagi ng pahayag ni G,. Krispher Van De Guzman