Nagsimula nang magsabit ng mga dekorasyon at magpintura ang mga helper sa Our Lady of the Pillar Parish Church, Cauayan City bilang paghahanda sa nalalapit na Simbang Gabi.
Nagsimula ang pagsasabit ng dekorasyon at paglilinis kahapon, Lunes, at posibleng matapos bukas, kung kailan inaasahang gaganapin ang Christmas Lighting.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Divino Castro, isang helper, sinabi niya na taon-taon ay may Christmas decoration sa simbahan. Asahan aniya na kahit simple lamang ang dekorasyon, maganda pa rin ito sa paningin.
Mananatiling bukas ang mga dekorasyon tuwing gabi, subalit maghihigpit sila sa pagpasok sa simbahan tuwing dis-oras ng gabi upang maiwasan ang anumang hindi kanais-nais na pangyayari.
Samantala, nakipag-ugnayan na rin ang simbahan sa hanay ng pulisya at POSD upang matiyak ang seguridad ng mga magsisimba at upang makontrol ang parking area.
Dagdag pa niya, malinis na dadatnan ng mga debotong Katoliko ang simbahan kaya nararapat lamang na iwanan din itong malinis.
Mayroon kasing ilang nagdadala ng pagkain sa loob ng simbahan at iniiwan na lamang ang kanilang kalat, maging ang mga bubble gum.











