--Ads--

Naghahanda na ang Our Lady of the Pillar Parish Church sa Cauayan City para sa mga aktibidad na gaganapin bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-284 na kapistahan ng patron na si Nuestra Señora del Pilar.

Ang patronal fiesta ngayong taon ay may temang: “MARY: Pillar of the Domestic Church” at pangungunahan ng Patronal Fiesta Committee: Kapit-Bisig Ministry.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fr. Vener Ceperez, kura paroko ng Our Lady of the Pillar Parish, sinabi niya na sa loob ng isang buwan ay umikot ang imahen ng Mahal na Birhen sa iba’t ibang barangay sa lungsod bilang paghahanda sa kapistahan.

Matapos nito, sinimulan na rin umano nila ang paghahanda para sa mga pangunahing aktibidad na magsisimula sa ika-3 ng Oktubre.

--Ads--

Ilan sa mga tampok na aktibidad ay ang Bible Quiz Bee, essay writing, declamation and oration contests, social action outreach programs, binyag para sa mga bata at matatanda, mass wedding, at marami pang iba.

Bukod dito, inaasahan din ang mga tradisyunal na gawaing panrelihiyon tulad ng Rosary and Novena, concelebrated mass, at Basic Ecclesial Communities Night.

Samantala, sa araw ng Linggo, ika-12 ng Oktubre, gaganapin pa rin ang regular na misa na pangungunahan ni Bishop David William Antonio, ang Obispo ng Diyosesis ng Ilagan.

Dagdag pa ni Fr. Ceperez, napakahalaga ng pagkakaisa ng mga debotong Katoliko sa ganitong mga pagdiriwang upang lalong mapalalim ang pananampalataya at ugnayan ng komunidad.