
CAUAYAN CITY – Aabot ng mahigit 300 hospital personnel ng Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City ang isinailalim sa RT-PCR test matapos na makapagtala ng dalawang COVID-19 positive.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Emmanuel Salamanca, OIC Medical Center Chief at Professional Education Training and Research Officer ng SIMC, sinabi niya na mananatiling sarado ang Out-Patient Department (OPD) ng ospital hanggang katapusan ng Setyembre 2020 dahil sa patuloy na pagsasailalim ng mga hospital staff sa mandatory RT-PCR test.
Ayon kay Dr. Salamanca, maraming doktor sa ospital ang naitala na direct contact ng mga nagpositibong health worker kaya bilang tugon ay isinailalim sa mandatory 14 days strict home quarantine at mandatory RT-PCR test ang mahigit 300 hospital personnel ng SIMC.
Samantala, sa Santiago City ay 73 na ang naitalang COVID-19 positive, 36 ang active cases habang 36 ang gumaling na at isa na ang namatay.










