CAUAYAN CITY – Pansamantalang isasara ang outpatient department ng Quirino Province Medical Center mula bukas, araw ng huwebes, dahil sa pagpopositibo ng ilang health workers sa Covid 19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Roger Baguioen, ang chief ng Quirino Province Medical Center, sinabi niya na marami sa kanilang empleyado ang nagkakaroon na ng sintomas at nagpopositibo sa Covid 19 dahil sa pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa Covid 19 sa Rehiyon.
Ayon kay Dr. Baguioen mahit sa tatlumpung health workers na karamihan ay mga nurses na nasa isolation ward ang nakaisolate ngayon na mula sa kanilang isinagawang swab testing sa dalawandaang staff ng ospital.
Dahil dito ay pansamantalang isasara ang Outpatient Department ng ospital upang makatulong ang mga staff nito sa pag asikaso sa mga pasyente ng Covid 19.
Magpapatuloy naman ang mga doktor sa pag asikaso sa mga pasyente sa pamamagitan ng telecommunication.
Sa kasalukuyan ay mayroong animnaput anim na Covid patient ang nakaadmit sa Quirino Province Medical Center.
Ayon pa kay Dr. Baguioen nasa isandaan ang kabuuang bilang ng covid allotted beds ng Quirino Province Medical Center kaya maganda pa ang utilization nito dahil hindi pa gaanong napupuno kahit nagkakaroon ng surge ng kaso.
Sakali mang tumaas pa ang bilang may inihanda na ang pamunuan ng tent sa labas ospital na kayang mag accommodate ng labindalawang pasyente.
Umaasa naman ang pamunuan ng ospital na wala nang maidagdag pa sa mga una nang nagpositibong health workers upang hindi maapektuhan ang kanilang healthcare system. Humingi na rin sila ng tulong sa DOH sakaling makapagbigay sila ng karagdagang manpower at may tatlo namang ipinadala ng kagawaran.
Muli namang nagpaalala si Dr. Roger Baguioen sa mga mamamayan ng Lalawigan ng Quirino na sumunod sa mga health protocols upang hindi na tumaas pa ang bilang ng natatamaan ng virus sa kanilang lugar.











