Mas pinaigting ng mga otoridad ang babala laban sa mga pampublikong transportasyon na naniningil nang sobra o nag-o-overcharge sa mga pasahero sa Cauayan City.
Kasunod ito ng pagdami ng mga reklamong natatanggap ng pamahalaang lungsod mula sa mga pasahero, partikular laban sa ilang tricycle driver na umano’y naniningil ng mas mataas kaysa sa itinakdang pasahe.
Matatandaang inaprubahan ng pamahalaang lungsod ang pagtaas ng pasahe sa mga tricycle driver noong nakaraang linggo upang tugunan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo at iba pang gastusin sa operasyon. Gayunman, nilinaw ng mga otoridad na may itinakdang limitasyon ang naturang dagdag-pasahe at hindi ito dapat abusuhin.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na may malinaw na fare matrix na dapat sundin ng lahat ng tricycle driver.
Ayon pa kay Mallillin, anumang paniningil na lagpas sa nakasaad sa fare matrix ay maituturing na overcharging at may karampatang kaparusahan ang mga lalabag, tulad ng multa, suspensyon, at posibleng pagbawi ng prangkisa.
Hinimok din ng POSD ang publiko na agad i-report ang mga insidente ng overcharging sa kanilang tanggapan. Maaaring isumite ang reklamo kasama ang detalye tulad ng pangalan ng driver, body number ng tricycle, oras at lugar ng insidente, upang mapabilis ang imbestigasyon.
Pinaigting naman ng POSD ang kanilang monitoring at pagpapatrolya sa iba’t ibang bahagi ng lungsod, lalo na sa mga matataong lugar at terminal, upang matiyak na nasusunod ang itinakdang pasahe at maprotektahan ang kapakanan ng mga pasahero.











