Patuloy na dumarami ang mga reklamo hinggil sa umano’y overcharging sa pamasahe sa lungsod, kung saan mga tricycle ang pinakamaraming nasasangkot, ayon sa Public Order and Safety Division (POSD).
Sa panayam, sinabi ni POSD Chief Pilarito Mallilin na kapansin-pansin ang pagtaas ng bilang ng mga reklamo mula sa publiko, partikular sa mga pasaherong nagrereklamo ng mataas na singil kahit malalapit lamang ang kanilang pinupuntahan.
Ayon kay Mallilin, may mga pagkakataon umano na umaabot na sa ₱30 hanggang ₱35 ang sinisingil na pamasahe kahit wala pang ipinatutupad na bagong fare matrix ang lungsod.
Dahil dito, nanawagan ang opisyal sa kapwa driver at pasahero na pag-usapan na lamang nang maayos ang pamasahe upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan.
Kasabay nito, nakiusap din ang opisyal sa publiko na unawain ang kasalukuyang sitwasyon, lalo na’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na nakakaapekto sa pamamasada ng mga driver.
Gayunpaman, nagbigay rin siya ng babala sa mga driver na huwag samantalahin ang sitwasyon sa pamamagitan ng labis na paniningil ng pamasahe lalo na sa mga estudyante.
Sa ngayon, patuloy ang paalala ng POSD sa mga driver na sumunod sa umiiral na regulasyon habang hinihintay ang posibleng paglalabas ng bagong fare matrix sa lungsod.











