CAUAYAN CITY- Muling nagpaaalala ang hanay ng Land Transportation Office Cauayan sa mga tricycle driver na naghahatid at sumusundo ng mga estudyante na sumunod sa rekomendadong bilang ng mga pasaherong dapat lamang isakay.
Ayon lay LTO Cauayan District Head Deo Salud, napapansin ng kanilang hanay na mayroong mga tricycle na patuloy na nag ooverloading.
Mahigpit itong kinokondena ng opisina dahil mapanganib ito lalo pa at mga estudyante ang sakay.
Batay sa kanilang tala, kapag masiyadong maraming sakay ang mga tricycle kalimitan na ito ang mga nasasangkot sa aksidente.
Pinapayagan lamang ang nasa apat na sakay ng bawat behikulo upang masiguro na hindi overloading at maalwan para sa mga estudyante.
Giit pa ng opisina, kung mga bata ang sakay at maliliit, mas maigi na tignan pa rin ang kapakanan ng mga ito kahit sabihin pa na magaan lang sila.
Inilabas ng hepe ang pahayag kasunod ng mga nakikitang ilang mga tricycle na hanggang ngayon ay hindi sumusunod sa patakaran.
Aniya, mapapatawan ang mga ito ng multa sakaling maaktuhan ng mga LTO personnel na lumlabag sa batas trapiko.











