Nakatakdang magsagawa ng isang makasaysayan at edukasyonal na exhibit ang Office of the Vice President (OVP) – Cagayan Valley Satellite Office sa Isabela State University–Cauayan Campus bukas, Nobyembre 18, 2025, sa ganap na alas-10 ng umaga bilang parte ng kanilang 90th Anniversary Celebration.
Sa isang eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Ruth Castelo, Spokesperson ng OVP, sinabi niyang tampok sa naturang exhibit ang 15 na naging Pangalawang Pangulo ng Pilipinas mula pa noong 1935. Ipapakita rito ang kanilang mahahalagang nagawa at kontribusyon habang nasa panunungkulan.
Ayon kay Atty. Castelo, layunin ng exhibit na maging educational at historical hindi lamang para sa mga estudyante kundi para rin sa mga mamamayan na dadalo. Aniya, mahalaga ang ganitong aktibidad dahil maaari itong makatulong sa publiko sa mas matalinong pagboto para sa mga susunod na Pangalawang Pangulo ng bansa.
Nilinaw rin niya na bukas para sa lahat ang naturang exhibit at hinihikayat ang publiko na makibahagi sa pagdiriwang at pag-aaral ng kasaysayan.
Bukod sa exhibit, nakatakda rin ang OVP na magsagawa ng pamamahagi ng “Pagbabago Bags” sa iba’t ibang lungsod at munisipalidad sa Cagayan Valley bilang bahagi ng kanilang patuloy na serbisyo sa rehiyon.






