--Ads--

CAUAYAN CITY – Hindi naitago ni kalihim Silvestre Bello III ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kanyang galit at pagkadismaya matapos malaman ng reklamo na marami pa ring mga overseas filipino workers at kanilang pamilya na naapektuhan ng nagdaang bagyong Ompong ang hindi pa nabigyan ng calamity assistance.

Maging ang mga naapektuhan ng bagyong Rosita sa Southern Isabela ay hindi pa nakatanggap ng tulong sa OWWA Region 2.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Kalihim Bello na ipinag-utos na nila ang pagkakaloob ng tulong at kahit walang utos ay awtomatiko na dapat binibigyan ng tulong ang mga OFWs dahil ang pondo ay mula naman sa kanilang mga kontribusyon.

Ang aktibong OFW ay makakatanggap ng Php3,000.00 habang ang mga hindi na aktibo ay Php1,500.00

--Ads--

Sa kanyang labis na pagkadismaya ay sinabi pa ni Atty. Bello na dapat gampanan ng director ng OWWA sa Isabela ang trabaho at kung hindi ay umalis na lang sa puwesto.

Sinabi pa ni Atty. Bello na kailangan ding makatanggap ng calamity assistance ang mga OFW’s na naapektuhan ng bagyong Rosita sa Southern, Isabela tulad ng San Agustin, Echague, ang Dinapigue kung saan naglandfall ang bagyo at Santiago City.