--Ads--

CAUAYAN CITY – Humingi ng tulong sa Bombo Radyo Cauayan ang mister ng isang Overseas Filipino Worker sa Kuwait para makauwi na ito sa bansa matapos bugbugin ng kanyang amo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Eduardo Viernes, residente ng Benito Soliven, Isabela, sinabi niya na nais niyang humingi ng tulong para makauwi na sa bansa ang kanyang misis na si Maribel Gallato Viernes, 47-anyos at isang OFW sa Kuwait.

Pinagbabayad aniya ng agency ng kanyang asawa ng apat na libong dolyar dahil hindi nito natapos ang dalawang taon na kontrata.

Sinabi ni Ginoong Viernes na noong December 2019 ay nagtungo sa Kuwait ang kanyang maybahay at nagkaroon ng unang amo ngunit dahil sa dami ng pagsisilbihan niyang pamilya ay hiniling niya sa kanyang agency na hanapan siya ng panibagong amo na kanila namang pinagbigyan.

--Ads--

Hindi naman umano maganda ang karanasan ng OFW sa kanyang bagong amo dahil binubugbog at sinasampal umano siya ng kanyang amo gayundin na kinakagat siya ng mga anak ng mga ito.

Binasag din umano nila ang kanyang cellphone kaya siya tumakas at nagpatulong sa kanyang agency.

Nasa tanggapan ng kanyang agency ang kanyang asawa at sinabing hahanapan ulit siya ng pangatlong amo ngunit ayaw na umano ng kanyang magbahay.

Tinig ni Ginoong Eduardo Viernes.

Samantala, nababahala naman si Ginang Leonida Elvat, sa kalagayan ng kapatid na si Maribel Viernes, dahil hindi na umano ito nakakakain habang nasa tanggapan ng kanilang agency.

Aniya, ikinuwento ng kanyang kapatid na noong nagluto siya ng kanyang pagkain ay itinapon ng secretary ng kanilang agency.

Sinabi pa ni Ginang Elvat na nababahala siya sa kalagayan ng kapatid dahil nagbabala umano ito na gagawa ng paraan para makauwi.

Na-trauma aniya sa pambubugbog ng kanyang amo ang kanyang kapatid kaya nag-aalala sila na baka may masama itong gawin sa kanyang sarili.

Tinig ni Ginang Leonida Elvat.

Tiniyak naman ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na tutulungan nila ang nasabing OFW.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, tiniyak ni OWWA Administrator Hans Cacdac na tutulungan nila si Viernes at agad na tutugunan ang reklamong inilapit sa kanya ng Bombo Radyo Cauayan.

Tinig ni OWWA Administrator Hans Cacdac.