--Ads--

CAUAYAN CITY– Mahigit 1.2 million pesos ang halaga ng mga tablon ng Narra na isinakay sa van ang nasamsam sa DENR checkpoint sa barangay Calitlitan, Aritao, Nueva Vizcaya.

Ang mga nahuling pinaghihinalaan ay sina Rommel Mercado, 37 anyos, driver ng naturang van at Warwin Cruz, 19 anyos, helper at kapwa residente ng Masalipit, San Miguel, Bulacan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PCaptain Roger Visitation, OIC Chief Of Police ng Aritao Police Station na tumulong ang kanilang puwersa sa mga kawani ng DENR na noon ay nangangasiwa ng DENR checkpoint sa Brgy Calitlitan para mapara ang isang puting Fuso Canter aluminum van na may plakang CAJ-6107.

Nahuli sa aktong nagbibiyahe ng mga tablon ng Narra ang dalawang pinaghihinalaan at wala umanong maipakitang dokumento na legal ang kanilang pagbiyahe ng mga naturang kahoy.

--Ads--

Nakita sa loob ng sasakyan ang 104 na piraso ng kahoy na may kabuuang suhat na 2,520.75 board feet tinatayang nagkakahalaga ng mahigit 1.2 million pesos na dinala sa DENR Office.

Ayon sa mga pinaghihinalaan ang mga nasamsam na kahoy ay galing sa Bulanao, Tabuk City, Kalinga na kanilang ibabagsak sa ibang lugar.

May hinala ang mga awtoridad na ang mga pinaghihinalaan ay may koneksiyon sa mga suspek na una nang nadakip na nagbibiyahe ng mga illegal na kahoy.

Paglabag Presidential Decree 705 ( Forestry Reform Code of the Philippines ) ang kakaharapin ng mga suspect.