--Ads--

Nagpanukala ang House of Representatives na maglaan ng ₱1 bilyon para sa Project NOAH (Nationwide Operational Assessment of Hazards) sa gitna ng deliberasyon ng ₱6.793-trilyong 2026 General Appropriations Bill (GAB) sa Bicameral Conference Committee.


Sa kauna-unahang live-streamed bicameral hearing, sinabi ni Nueva Ecija 1st District Rep. Mikaela Suansing, pinuno ng House contingent, na layon ng karagdagang pondo na palakasin ang kakayahan ng Project NOAH.

Ang Project NOAH, inilunsad noong 2012 sa ilalim ng Department of Science and Technology, ay nagmamapa ng mga lugar na mataas ang panganib sa pagbaha, landslide, at storm surge.

Ito ay na-defund noong 2017 at kalaunan ay inampon ng University of the Philippines Resilience Institute, ngunit nanatiling limitado ang pondo.

--Ads--


Ayon kay Suansing, bagaman nakapaloob sa UP System ang pondo, layon nitong makinabang ang buong bansa at mga ahensya, partikular ang Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Ang hinihingi natin sa Project NOAH kapag binigay na natin ang pondo na ‘to ay mas makipagtulungan sila sa DPWH sa pag-refine ng disenyo at monitoring ng flood control projects,” aniya.

Dagdag pa niya, sa sapat na pondo ay matutulungan ng Project NOAH ang DPWH na tukuyin ang eksaktong lugar kung saan dapat ilagay ang mga flood control structures.


Noong Setyembre, nakipagpulong si Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa mga opisyal ng Project NOAH upang talakayin ang kahalagahan nito sa disaster risk reduction.

Binigyang-diin ni Dy na titiyakin ng Kamara na ang pondo ng DPWH ay gagamitin lamang sa mga lehitimong flood control projects na inirerekomenda ng Project NOAH.