Inanunsyo ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez nitong Martes na magkakaroon ng dagdag-pasahe sa mga pampublikong sasakyan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Lopez, aprubado na ang P1.00 na dagdag-pasahe para sa mga traditional jeepney at P2.00 naman para sa mga modern jeepney. Kasama rin sa inaprubahan ang pagtaas ng pamasahe sa mga provincial bus, metro bus, point-to-point (P2P) bus, at airport taxi.
Sinabi ni Lopez sa isang panayam na magsisimulang ipatupad ang fare hike sa Huwebes, Marso 19.
Nagbigay rin siya ng halimbawa ng magiging epekto ng dagdag-pasahe. Aniya, sa rutang Cubao hanggang Divisoria na tinatayang may layong 10 kilometro, ang dating pamasahe na P23.00 ay magiging P25.00 na dahil sa bagong singil.
Ipinaliwanag ng kalihim na ang pagtaas ng pamasahe ay dulot ng patuloy na pagmahal ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado kasunod ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Samantala, iniutos na rin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang agarang pagpapalabas ng tig-P5,000 na cash assistance para sa mga public utility vehicle (PUV) driver upang makatulong sa kanilang gastusin sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.











